Hindi ko ganap na maunawaan, pagtatalo sa mga bagay na espiritwal, sa mga ritwal at pamamaraan ng pagdarasal. Kung bakit pati ang pananalangin ay pinagtatalunan. Marami ang nagsasabi, na sila'y mga mananaliksik, sinasaliksik pati ang hiwaga ng Diyos. At marami na rin ang nagsasabi na nakita na nila ang katotohanan. Nakakatuwa, kapag nababasa ang pagtatalo nila. Pataasan ng ihi, ika nga. Mga nagsasabi na hawak nila ang mataas na orasyon o panalangin o mga panira sa cabal at kung anu-ano pa.
Minsan mayroon nagtanong ng aking opinyon, ano ba daw ang pinakamabisang orasyon, yaon bang nasa wikang latin, espanyol, o yaon mga lumang lenggwahe tulad ng aramaic. Ang sabi ko sa kaluluwang ito ay simple lang at deretso - Ang pinakamabisang orasyon o panalangin ay yaon nagmumula sa iyong PUSO, yaong dasal na hindi kayang ipaliwanag ng ordinaryong salita. Nagmumula sa pusong nagmamahal at lubos ng pagsisisi sa mga pagkakamali na kanyang nagawa. Hindi sinabi ni Adonai na pakikinggan lamang nya yaong mga orasyon na minemorya lamang sa wikang latin. Ang mahalaga ay ang tinatawag na sincerity, hindi ang pagme-memorya. Kung ito ang paiiralin natin, malamang tayo ay mapabilang na din sa mga loro na natuturuan magsalita, masarap pakinggan - nakaka-aliw, ngunit walang saysay, walang laman.
At wala rin kwenta na pagtalunan ang tungkol sa kung ano nga ba ang Diyos, Siya ba ay lalaki o babae. Kailanman, walang maka-aarok sa mistryo ng Diyos. Anu man ang mga naglalabasan na aklat na nagbibgay paliwanag tungkol sa kung ano nga ang Diyos ay nagkakamali. Kung ang Diyos ay maipapaliwanag ng isang ordinaryong tao, then, God ceases to be a God. Kaya nga Diyos, dahil walang maka-arok ng kanyang pagka-Diyos.
Tungkol pa rin sa mga cabal o pananggalang, walang sinuman ang may karapatan na sabihin sa sarili niya na kaya niyang sirain ang orasyon o kabal ng iba. Ang mga kaisipang ganyan ay pagpapakita lamang na mabababaw pa ang kanilang pag unawa sa mga gamit pananampalataya o mga bagay na espirtiwal. Kung ang tangan tangan mo ay galing sa AMA bakit hindi ka lubos na nabago nito. Isa ka pa rin hambog, puno ng kayabangan. Ang tao na sumasakanya ang Diyos ay ganap na nababago ang sarili - nagiging mahinahon, mapagkumbaba, walang inisip kundi ang kabutihan ng kapwa. Sa daigidig o realm ng espirito, hindi kailangan ang tinig mo kundi ang tunay na ikaw - isa din espirito. Magandang Gabi. Eidl Ftr nga pala sa ating mga kapatid na Muslim. Salam alay kum salam.